Sunday, May 20, 2012

Atin Ang Gabi


Ikaw, ako,
kape at kuwento.
Dala ng magkaugnay na hapdi
itong higpit ng pagsalubong sa sandali.

Ito ang naging simula:
Minsan tayo ay tumigil sa paggalaw
at nanatili sa iisang lugar.
Hinayaan ang banggaan ng mga kapalarang iba-iba ang tangan.

Bumalik tayo sa nagdaang panahon.
Ikaw at ako, sila --- ang pinagsaluhan.
Binilang ang araw ng pagsasama
nang sabay tapon sa mga panghihinayang.

Ipinaaalala sa atin na wala na rin namang silbi
ang pag-inda sa lungkot na minsan nilang dala.
Tiyak ang paglaho ng kung anong bahid ng alinlangan.
Hindi natin sila kailangan.

At naganap ang hindi inaasahan: Napunit ang langit
sa pagsiklab ng sandali.
Ating ipinagdiwang itong minsang pagtatagpo
sa pinakamahabang gabi.

Ngunit walang katiyakan
itong pananatili ng mga sandali,
bagamat magkatabi at masaya
hanggang sa tahimik na pag-uwi.

Sa ngayon nababalutan ng pag-unawa itong pagsasama.
Isinantabi sa kaloob-loobang sulok ang pananabik.
Maselan ang pagbitaw sa mga salita.
Walang nangangako sa takot na walang maaako.

Hanggang sa muli,
mananatili sa kalagitnaan itong tagpo.
Di tiyak ang pagpapatuloy o pagtatapos
ng ating kuwento.



No comments:

Post a Comment

Say something! And you don't even have to rhyme or wax poetic.