Monday, January 21, 2013

Mag-iisang taon...

Ilang segundo, minuto
ang kinailangan mo
upang ibaon ng tuluyan
ang sakit na dulot ng kahapon?

Isang hakbang palayo ---
dagdag sa lumalaking agwat
sa inyong pagitan
para sa ikabubuti ng lahat, ka'mo.

Ngunit nagniningning,
naglalakbay sa iyong mukha
ang mga patak ng pangungulila
na patuloy mong iniluluha.

Ako ang saksi.
Kasama ang nangangalawang
na poste ng kuryente
at ang basang mukha ng kalsada

Sige, sabi ko.
Hindi ko man alam ang dahilan
alay ko ang palad ng pagkakaibigan.
Inom ka pa, eto, ako na bahala sa deposito.

No comments:

Post a Comment

Say something! And you don't even have to rhyme or wax poetic.