Delubyo
Walang pakundangan ang pag-agos ng mga itim na luha sa mga
namumula kong pisngi. Pagod. Pagod na'ko sa kakaiyak. At sa kakaisip. Ilang
gabi din kitang hinintay, ilang gabing ibinaon ko sa alak ang delubyong dulot
mo sa pobre kong puso.
Ngayon nanunumbalik ang mga alaala mo, mga alaala nating
dalawa. Ang mga lasing na simula. Mga patagong halik sa kwarto ni Tina, ang
mahigpit mong yakap sa hagdan habang nakatalikod si Cara. Ang muling
pagkikita at ang pagpapasya na, "Ano? Akin ka na lang ha."
Mistulang bagyo kang dumating sa buhay ko. At nagpakalunod
ako sa paanyaya ng iyong matatamis na halik at sa mga nakakahumaling mong
bulong, dala ang pangako ng marahas at madamdaming pagtatalik. Puso, katawan,
buong buo kong inialay sa'yo ang sarili ko.
Sayang, at kinailangang humantong sa ganito. Ang palitan ng
masasakit na salita, kung saan mangiyak-ngiyak akong nagmakaawa na, "Huwag muna ngayon, saka na natin pag-usapan ito. Saka
na. Pakiusap, saka na."
Sa loob-loob ko, "Hindi na. Ayoko na." Bukas na
ang mga mata ko sa katotohanang tapos na ang lahat, at walang sukling maiaabot
ang nasalanta kong puso kundi, "Patawad, minsang mahal. Huli na ang lahat
para sa ating dalawa."
Ganun pa man, "Salamat."
Tandaan mo, wala nagkasala, biktima lamang tayo ng mapaglarong tadhana.
No comments:
Post a Comment
Say something! And you don't even have to rhyme or wax poetic.