Wednesday, April 25, 2012

Paano mo kaya ako hahawakan?

Mula sa Guerra Cantos ni Carlos Piocos III


      Lahat tayo ay mga bagong-salta sa sari-sarili nating balat.
      At tuwing hatinggabi bago matulog,
      humaharap tayo sa ating sarili nang hubad,
      at tulad ng mga manlalakbay, dinadalaw
      natin ang ating katawan na parang mga dayuhang
      kinikilala ang matagal nang di-nakikitang kamag-anak,
      kinikilatis ang mga marka: anong hugis ito, anong laki,
      saang kagat, at kaninong labi? Dinaramdam natin
      na parang nabalong asawa ang mga naiwang bakas.
      Ano’t lagi’t laging di natin nakikilala ang ating sariling balat
      kapag lubhang napapaso sa labis na init,
      kapag lubhang namamanhid sa labis na lamig,
      kapag lubhang natutupok sa labis na pag-ibig?

      At saka natin titingnan ang isa’t isa upang muling magpakilala.
      Tahimik na tahimik na hihiga sa kama, magkatabing
      pagmamasdan ang ating mga kahubdan na tila mga sundalong
      nakaligtas sa matinding engkuwentro ng ating magkalabang
      kampo: Payapa akong lumalapit sa iyo. Ligtas ba dito
      sa iyong teritoryo? Huwag kang mag-alala
      hindi ako naparito para maghanap ng gulo.
      Mangyari kasi’y ako’y nawawala: sugatan, uhaw, gutom
      at nanghihina. Kahit sandali lang, maaari mo ba akong patuluyin
      sa iyong balat? Kailangan ko lamang ng konting lakas.
      Makikiusap ang ating mga hipo, ang ating mga himas,
      ang ating mga hawak sa pintuan ng ating mga balat
      makikiusap tayo sa isa’t isa na ibaba muna ang ating mga armas,
      ang ating mga depensa. Nakatungo tayo’t nakaluhod,
      at buong pagkukumbaba nating papapasukin ang isa’t isa.

      Saka natin lalanggasan ng kumukulong laway
      ang ating mga sugat. Sinisipsip ang mga iwa nang matunaw
      ang nanuyong dugo at magnaknak ang bukas na sugat
      sa ating mga palad para sa ikatitighaw ng ating mga uhaw.
      At upang lalong magkakilanlan, ibinubulong natin ang mga pangalan
      ng mga teritoryong ito, o pinapangalanan nating muli
      gamit ang ating maiinit na buntung-hininga ang ating mga balat
      sa wika ng kinis, pawis, lambot, balbon, gaspang at dulas.
      Napakaraming kailangan sauladuhin sa kapwa-balat.
      Ito na ba mismo ang iyong pinananahanan, ang iyong sentro,
      o ito pa lamang ang bungad?
      At saka tayo mag-aalala:
      Paano kung ito na mismong ating mga balat ang ating kaluluwa?
      Napakaraming pilat dito sa ating mga espirito:
      Ito ang pantal na labis kinamot sa murang edad.
      Iyan ang mga pinagdamitan ng iyong mga hinubad na taghiyawat.
      Ito ang maliit na mata ng salubsob, mahabang hiwa
      ng talim ng kutsilyo, daplis ng ligaw na bala, mga tinuklap
      na kalyo’t kulugo. Iyan ang mga pinalatandaan natin
      sa ating mga kapangahasan at karuwagan sa digmaang ito
      Ito ang aking balat noong aking pagkabata, sa pagitan ng dibdib,
      parang isang bansang nalunod na nang tuluyan sa mapa.
      Paano kung ito na mismong ating balat ang ating kaluluwa?
      Paano kung ito na mismo ang ating Lalim,
      ang ating Babaw, ang mga labas-masok
      sa ating sarili sa loob ng silid ng ating mga katawan?
      Paano kung ito na ang ating Kaloob-looban?
      Paano mo kaya ako hahawakan?

No comments:

Post a Comment

Say something! And you don't even have to rhyme or wax poetic.