Saturday, April 21, 2012

Panalangin


Habang paulit-ulit kong binabalikan ang kahapon, may nabubuong takot sa aking dibdib. Hindi kasi malayong mangyaring makalimutan mo ko; samantalang ako itong si gaga, nabubuhay sa mga alaala.

Hindi ko man maaninag ang mukha mo o marinig ang mga tawa mo sa mga oras na ito, masaya ako. Dahil kahit pano, kahit sa alaala, minsan nahawakan kita. Na minsan dumampi ang mga labi natin dala ang matatamis at nakakahumaling na mga halik. Na minsan pinagsaluhan natin ang isa't isa.

Sadyang kay bilis ng mga pangyayari. 


Sa ilang oras lang naganap ang mga hindi inaasahan at hinawakan natin sila kahit panandalian lamang. Hindi natin maitatangging nangyari ang mga pangyayaring ito at ninamnam natin ang kakarampot na sayang dulot ng mga ito.

Ang kaibahan: Tangan ko ang mga alaala. Patuloy ko silang hinahawakan.

Inaamin kong umasa ako kahit hindi nararapat. Higit pa sa umasa, naniwala din akong marahil pagpalain ako ng tadhana at may mabuong matamis na pagtatangka sa pagitan nating dalawa.

Sa pagtatangkang maibalik ka, aagos ang mga madepektong talinghaga at gabi-gabi ipipinta ko sa langit ang panalanging mahal na talaga kita.

Putangina, mahal na mahal. 


No comments:

Post a Comment

Say something! And you don't even have to rhyme or wax poetic.